Online Journal 2: Pagsusuri sa Tula ni Carlos Piocos
Sa bawat tulang binibigay sa kursong ito ay mas lalong lumalawak ang aking pagkakaintindi sa panulaan. Siguro’y kaya ako’y hirap na tuluyang mayakap ang porma ng sining na ito ay dahil nakaukit na sa akin na ang tula ay dapat may pagtutugma ng tunog at may tiyak na bilang ng pantig at linya. Gayunpaman, ang aking mga karanasan sa pagbabasa ay sumasalungat sa ideyang ito; ang mga tulang aking nababasa ay representasyon ng kalayaan na nakikita hindi lamang sa nilalaman ngunit pati na rin sa anyo ng tula. Bilang parte ng aking pagkilatis at paglaya mula sa aking nakasanayang ideya kung ano ang tula, nais kong ibahagi ang dalawang interpretasyon sa kataka-taka at senswal na tula ni Piocos. Hinati ko sa dalawang bahagi ang aking repleksyon upang mas mabigyan detalye ang aking pagsusuri.
Una — Pagnanasa
“Ito na lamang ang naiwan, at ang lahat ng ito’y ipinauubaya ko na sa iyo.”
Ang aking unang naging interpretasyon sa tula ay may pagkaliteral. Ang persona ay isang sundalong nagsusulat ng kanyang mga huling saloobim sa isang liham para sa kanyang kasintahan. Nakapaloob sa liham ang kanyang mga pagsisisi: ang hindi pagkakaroon ng lubos na oras para sa kanyang kasintahan. Maaaring mahinuha na ang tagpuan sa tula ay nasa panahon ng digmaan, na mas binigyan pansin sa ikatlong taludtod. Isinulat ang liham na puno ng kanilang karanasan bilang magkasintahan. Mula sa mga linyang makikita sa ibaba,
“…dinadalaw ako ng matinding sikat ng liwanag at isang mabangis na anghel sa tatlong pangalan: Labis-Labis na Alindog, Labis-Labis na Pusok, Labis-Labis na Libog. Nililimas niya ang lahat ng kanyang mahawakan, mula sa aking antok,…”
ay makikita ang pagiging senswal ng relasyon ng persona at ng kanyang inaalayan ng liham. Isa pang magandang detalyeng nais kong pag-usapan ay ang pagbanggit sa anghel bilang sugo ng pagnanasa. Ang interseksyon ng sekswalidad at relihiyon ay kadalasang taboo, dahil tinitingnan ang pagtatalik, o kahit ano pa mang gawaing sekswal bilang paglalapastangan at pagdumi sa katawang hinulma ng Diyos. Gayunpaman, ang mga karanasan ng persona ay puno ng sarap at kaligayahan sa puntong abot langit ang kanyang nalalasap. Sa madaling salita ay nagkakaroon ng transcendence na lumalabas sa kombensyon ng ating mortal at nakasanayang kaisipan.
Maaaring isipin ng aking mambabasa kung ano ang kahalagahan ng usaping espiritwal sa paksa ng tula. Para sa akin, nais gamitin ng persona ang liham para maibahagi ang kanyang kaluluwa o essence sa kanyang sinta matapos ang kanyang inaasahang pagpanaw. Ang pagsulat ng liham na ito ay isang last resort upang mabigyan ng kapayapaan ang sariling binabagabag ng posibleng trauma o PTSD. Kahit ganoon man ang layunin ng manunulat at ng kanyang liham, hindi niya nais na bigyan na dagdag na pasakit ang kanyang kasintahan, at ang liham ay para lamang ipaalam ang kanyang kahihinatnan at mabigyan ng closure ang sarili. Makikita ang mga detalyeng ito sa mga sumusunod na linya:
“Pagkatapos mo itong mabasa, mangyari lamang na ito’y lamukusi’t bilutin at saka ilublob sa lalim ng ilog nang ito’y matunaw, magsatubig at umagos.” (Unang saknong)
“Iyon laman naman at nawa’y nasa mabuti kang kalagayan. Nawa’y naramdaman mo ang nakapapasong halik na nagtikom sa sobreng ito, bago mamaalam,” (Ikawalong saknong)
Ang kabubuuan ng unang interpretasyon na ito ay pumapaikot sa kaisipan ng pag-ibig. Ang senswal ay naging espiritwal, at ang espiritwal ay naging daan upang matandaan at maibahagi ang natitirang mga piraso ng sariling napinsala ng digmaan. Tulad ng isang liham, ang pagmamahal ng persona ay nagtranscend sa pisikal at mortal na anyo at tatagal kahit pa man dumating ang kanyang pagpanaw.
Ikalawa — Liham
Kung bibigyan pansin nang mas maigi ang tula ay mayroong mga salitang naka-italics. Hindi ko matapos ang pagsusuring ito ng hindi tinatalakay ang mga salitang ito. Inihiwalay ko ang mga ito mula sa mismong tula, at ang naging resulta ay isang liham na kulang ang diwa. Ang mga detalye sa nabuong liham mula sa pinagsama-samang salita ay napakalabo sa puntong maaaring napapraning na lamang ako upang madagdagan ang aking pagsusuri. Bakit umiikot hindi lamang sa nilalaman kundi pati na rin ang porma ng tula sa konsepto ng isang liham? Nais kong masagot ang mga katanungang ito ngunit sa patuloy na pagpilit ng pagkakaroon ng bagong interpretasyon ay bumabalik lamang ako sa interpretasyon kong ang tula ay isang liham para sa isang kasintahan. Mayroon ba akong mga nakaligtaan kung kaya’t mayroon akong isa pang hiwalay na interpretasyon mula sa aking unang pagkakaunawa?
“At kahit hindi hinihingi ng mambabasa, babalik silang lahat sa kanilang silid upang magsulat, sa kani-kanilang sarili bilang sentro de grabedad ng lahat”
Nais kong ipakita ang linyang ito sapagkat dito ako nahihirapan mahinuha ang koneksyon neto sa iba pang detalye sa tula. Nagkaroon ako ng dalawang pag-unawa sa tula base dito. Maaaring ito’y kritika ng manunulat sa mga taong mataas ang tingin sa sarili. Hindi maiiwasan ng isang manunulat na ipasok ang kanyang sarili kahit pa man yan ay unconsciously niyang nagagawa. Bilang mga tao ay nasanay tayong bigyan ng mas mataas na pagpapahalaga ang sarili kung kaya’t may kagustuhan palaging ipasok ang sarili sa kahit anong usapan. Sumunod naman ay napagtanto ko na maaari itong pagpuna ng persona sa sarili. Lahat ng detalye sa liham na mala-tula ay tungkol lamang sa kanya at wala man lang pagbabanggit sa mga pangyayari sa buhay ng kanyang kausap. Tunay ngang may limitasyon sa maaaring maging komunikasyon sa pagsusulat ng isang liham, ngunit napaka-one-sided ng naging liham. May pagka-egocentric ang naging tono ng tula ng aking isaalang-alang ang detalyeng ito.
Ang iba’t-ibang detalye at paggamit ng ideya ng liham bilang balangkas ng tula ay isang nakakapanibagong konsepto para sa akin. Ang matyagang pagpapantay ni Piocos sa mga bahagi ng liham at mga detalyeng kanyang inilatag upang makabuo ng isang naratibo ay napakahusay, ngunit ang akin lang naman ay maaaring magkaroon ng disconnect ang mambabasa mula sa gustong ikwento sapagkat naghahalo-halo ang mga kaisipan at detalyeng nababasa mula sa tula.
“Ang Pangkaraniwang Lungkot” ni Piocos ay isang breath of fresh air para sa akin. Ang pag-atake o approach niya sa usaping digmaan, trauma, at pag-ibig sa tula na ito ay malinaw at hindi romantisadong pagsasalaysay lamang. Malaking parte ang pag-iibigan sa kwento, ngunit may saysay ang pagpasok ng relasyon na ito upang mas maunawaan ng mambabasa ang rationale ng persona sa tula. Kahit man ako’y nahirapan muli sa pagsusuri ay natuwa naman ako sa naging proseso sa kung paano ko iintidihin ang isa na namang tula na ganito ang lalim. Hiling ko na sa aking hinaharap ay makapagsulat din ako ng mga tula na ganito ; mga tulang nagpapaisip at mga tulang sumasalamin sa katotohanan ng mundong aking kinagagalawan.