Online Journal 4 — Jerry Gracio’s Bagay Tayo

Zeril Manaois
3 min readApr 27, 2021

Kadalasa’y dumadating na lamang biglaan ang pag-ibig, at kadalasa’y din hindi natin namamalayan na tayo’y umiibig na pala. Bilang isang taong parte ng LGBTQ+ community, napag-iisip-isip pa ako kung mayroon pa nga ba talagang pag-ibig sa isang bansang hindi pa rin kinikilala ang mga tulad ko, ngunit binigyan ako ng napiling teksto ng kilig at katiting na pag-asa’y balang araw ay makikita ko na totoo nga ang pag-ibig. Sa tatlong napiling dagling salaysay mula sa Bagay Tayo ni Jerry Gracio ay kanyang tinalakay hindi lamang ang kanyang buhay pag-ibig, ngunit pati na rin kung paano nga ba umuusbong at napapatibay ang pag-ibig.

Kung titingnan ang tatlong dagli bilang isang buong akda ay makikita natin na mayroong itong mosaic o collage ang ginamit na structure ni Gracio. Sa paggamit ng structure niya ito ay mas naipakita niya kung paano nga ba talaga nagsimula at tuluyang umiiral ang love story nila ni Mong. Siyempre upang mas lalo pang maging evocative sa kanyang akda ay napaka-subjective ng approach niya sa pagsusulat nito. Napakaepektibo naman sapagkat kitang-kita sa sulat ni Gracio ang kanyang personalidad na may pagkakomiko ngunit seryoso kung kinakailangan (lalong lalo na sa sanaysay na Kuwento). Ililista ko ang ilan sa mga linyang ako’y natuwa:

“Hindi umubra ang pag-quote ko sa Talmud. Napamura si Jowie.” (p. 21)

“May “er.” Sabi ko, ano’ng magagawa ko, e socialist ang leanings ko. Mas gusto ko ang mga proletaryado.” (p. 26)

“…kung sasali ako sa Bb Pilipinas,
tiyak na ako ang magiging Miss Friendship.” (p. 27)

Isa sa mga napansin ko sa tatlong akda ay mayroong motif ng pagkokompromiso at pagsisira ni Gracio ng mga pangako para sa kanyang pag-ibig. Sa mga parteng ito rin nabibigyan diin ni Gracio ang kanyang pagiging humorous dahil para bang lagi niyang sinasalungat ang kanyang sarili. Kita ito sa mga linyang ito:

At ipinangako ko na hindi na mai-in love muli sa laláki na kumakain ng buro.
Hindi ko napanindigan ang pangako ko. (p. 20)

Ayaw ko sa mga burgis, kahit karamihan ulit ng mga ex ko, burgis. (p. 26)

Pinapakita lamang nito ng ang pag-ibig ay nagdadala talaga ng pagbabago, o sa mas madaling salita ay transformative ito. Hindi natin maiiwasan magbago sa harap ng pag-ibig kasi may pangangailangan tayong gawin iyon. Aminin man natin o hindi ay nangangailangan nating magsakripisyo, maliit man o malaki, para sa pag-ibig, at araw-araw ay kailangan mong tahakin ang pagsasakripisyo ngunit tanggap mo ito dahil pinili mong mahalin ang iyong kabiyak. Sa pagsasakripisyo ring ito ay nasusubok ang relasyon, at ito rin ang nagpapatibay nito. Kaya nga naman importante ang pagbabahagi ng sarili sa pamamagitan ng pagkukuwento at pagsasalaysay sapagkat dito natin nahihinuha kung sulit ba ang ating efforts sa isang tao. Sabi nga ni Gracio sa kanyang panimula sa sanaysay na Kuwento:

NAGSISIMULA ANG PAG-IBIG SA KUWENTO, nabubuo sa pagitan
ng mga kuwentuhan. Pinatitibay ang pag-ibig ng mga istorya na
sabay ninyong hinahabi sa pamamagitan ng mga pinagsasaluhang
karanasan. Itatago ninyo ang mga iyon sa isipan at puso,
aalalahanin at patuloy na ikukuwento sa isa’t isa hanggang sa
pagtanda. Kapag wala kayong kuwento o mapagkuwentuhan,
hindi yayabong ang pagmamahal. (p. 23)

Mahirap ang pag-ibig. Paano pa kung hindi ito dapat? Paano kung ang pag-ibig mo ay hindi normal sa paningin ng karamihan? Ang Bagay Tayo ni Jerry Gracio ay isa sa mga akdang ako’y tunay na napatawa at naparamdam. Mayroong mga sandali na bittersweet, sweet, nakakatuwa, malungkot, ngunit sa bawat sandali ay namamayani at kitang-kita ang pag-iibigan. At sa loob ng pag-ibig na iyon ay pag-asa rin para sa isang tulad ko na hindi “normal” ang pag-ibig at nagnanais na madama ang isang bagay na nagpapatakbo sa ating pagpapakatao: ang magmahal at ang mahalin.

--

--

Zeril Manaois

not everyone loved freely like me. | mapagpatawad pa ang Diyos kaysa sa'kin.