Pagsusuri — Bob Ong at RJ Ledesma

Zeril Manaois
3 min readApr 8, 2021

Labag man sa ating nakasanayang pag-iisip ay hindi talaga madali ang pagiging komiko. Sandamakmak ang mga komedyante sa medya, sa TV, sa radyo, at iba pa ngunit hindi lahat ay naitataguyod ang kanilang career sa larangan na ito. Mayroon kasing pangangailangan maging lutang pa rin ang personality mo o unique ka pa rin sa dagat ng libu-libong taong gusto rin makapasok sa komedya. Nagiging hamon kung paano nga ba maihahalo ng isang komedyante ang kanyang partikular na branding sa kanyang trabaho. Sa mga sulatin ni Ong at Ledesma na ating tatalakayin ngayon ay makikita natin ang kanilang mga kuwento at personalidad na hinaluan ng kanilang brand ng pagiging komiko.

Magkaiba hindi lamang sa paksa ngunit pati na rin sa structure ang dalawa: gumamit ng chronological na structure si Ledesma habang parallel structure na may pagka-stream of conciousness naman kay Ong. Kung kaya naman hirap na hirap ako natuluyang madigest ang sinulat ni Ong dahil patalon-talon siya sa iba’t-ibang paksa habang si Ledesma ay nakapokus lamang sa mga pangyayari tungo sa kanyang kasal.

Sa “I Do or I Die,” very casual ang tono ni Ledesma na para bang kaibigan niya lamang ang kanyang kakuwentuhan. Dagdag pa na andaming jokes at iba pang palatandaan ng kanyang humor kung kaya nama’y naging epektibo ang kanyang paraan ng pagsasalaysay. Halos bawat mumunting detalye ay mayroong kaakibat na “joke”. Halimbawa na lamang sa parteng ito ng excerpt mula sa kanyang libro:

One of us was a cheerleader slash model, the other was a debate team captain slash geek. And to this day, I still don’t know what she saw in a cheerleader like me.

Iisipin ng mambabasa na si RJ Ledesma ang geek ngunit hindi pala talaga siya kundi ang kanyang asawa, at siya ang cheerleader na model din. Sa iba pang parte ng kanyang kuwento ay kanyang itinatag ang ganitong paraan ng pagpapatawa at pagsasalaysay: nagdagdag siya ng mga detalye na mistulang irrelevant o mga katagang bigla na lang susulpot na magiging punchline pala. Kahit pa man napakakomiko ang pagsasalaysay ay klaro pa rin ang naging paglalarawan ni Ledesma sa mga pangyayari, at nagtapos siya sa isang wholesome na pahayag tungkol sa kanyang bagong buhay bilang isang asawa. Kung ako ang tatanungin ay sasabihin kong ang brand ng humor ni Ledesma ay pang-tito, ngunit kahit papano ay nagawa niya akong patawanin.

Kung parang tito ang tono si Ledesma ay iba naman kay Bob Ong. Para sakin, parang siyang isang kaibigan na paligoy-ligoy ang kuwento at hindi alam kung ano ba talaga pokus ng kanyang sinasabi. Dagdag pa na may pagkawalang pake at pagiging satirical ang nakukuha kong tono mula sa kanyang mga sulatin (nabasa ko na ang iba pang mga akda ni Bob Ong tulad na lamang ng ABNKKBSNPLAko?! at Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang Mga Pilipino?). Kahit ganito pa man ang delivery ni Ong ay tunay akong natutuwa sa kanyang mga sinusulat dahil dry din ang aking sense of humor.

Sa excerpt na pinabasa mula sa stainless longganisa ay hindi ko mawari kung anong gustong ikuwento o ipahiwatig ni Bob Ong. Una ay napag-usapan niya ang trabaho ng isang manunulat, sumunod naman ang patalakay niya tungkol sa kanyang mambabasa, hanggang mapunta ang usapin sa kung sino ka ba talaga ang isang tao. Naging paborito ko ang parteng iyon dahil nasambit ni Bob Ong kung ikaw pa rin ba ang mga parte o bahagi mo kung sakaling ito’y maghiwahiwalay o maputol mula sa iyo. Pumasok na rin ang usapin ng utak, katalinuhan, at consciousness. Sa sobrang spontaneous at makalat ng pagkukuwento ni Ong ay naging eksistensiyal na ang usapin na patuloy niya pa rin binibahiran ng kanyang anyo ng pagpapatawa.

Magkaiba man ang kuwento at karanasan ng dalawang manunulat ay pareho nilang naipakita ang kanilang personalidad gamit ang pagsusulat. Ang kanilang tatak ng humor ay umaapela sa karamihan dahil nakikita pa rin ng kanilang mambabasa at audience kung sino sila at hindi diluted ang sariling kanilang pinepresenta. Kung gayon, maaari nating sabihin na hindi lamang para sa mga komiko ang pagiging totoo at lutang sa iba pang mga katulad nila: bilang mga manunulat ay kailangan ding matuto tayo kung paano nga ba natin isusulat ang sarili sa paraang pinakamakatotohanan na angkop sa ating personalidad at diwa. Sa pagsusulat ay nagiging hamon kung paano nga ba maisasalin ang ating nakagawiang pagsasalita sa pasulat.

--

--

Zeril Manaois

not everyone loved freely like me. | mapagpatawad pa ang Diyos kaysa sa'kin.